Friday, October 16, 2015

Paciano Rizal: Bayani ng Bayan 

                   Sino nga ba si Paciano Rizal? Ito ang karaniwang tanong ng karamihang mag-aaral ng kasaysayan. Kilala lamang siya bilang nakatatandang kapatid ng pambansang bayaning si Jose Rizal at bilang isang heneral noong panahon ng himagsikan. Ngunit ilan lamang ang nakakaalam ng iba pang tala tungkol sa kanyang buhay. Maging sa Los Banos, kung saan namuhay si Paciano matapos ang himagsikan laban sa Kastila at Amerikano, ay hindi alam na nanirahan siya roon. Dahil sa kakaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Paciano, marami ang nagtatanong kung bakit itinuturing siyang bayani ng bayan.

                   Sa isang panayam noong ika-6 ng Mayo, inilahad ni Prop. Rolando Talampas, dating kasapi ng UP Lupon ng Sentenaryo at guro ng kasaysayan sa UP Manila, ang tungkol sa pagiging bayani ni Paciano.

                  Ipinanganak si Paciano sa Calamba noong ika-7 ng Marso 1851 bilang pangalawang anak nina Don Francisco Mercado at Do¤a Teodora Alonzo. Sampung taon ang kanyang agwat kay Jose. Ayon kay Talampas, marami ang nagsasabi na si Paciano ay isang taong matapat at may matatag na paninindigang tumupad sa kanyang mithiin. Marami siyang kaalaman kahit hindi niya natapos ang pag-aaral noong kaniyang panahon.

                   Si Padre Jose Burgos ang naging gabay ni Paciano sa panahon ng kanyang pag-aaral sa Colegio de San Jose at Unibersidad ng Santo Tomas. Likas ang pananaw na liberal, naging biktima siya ng sariling aktibismo. Sa matagal na panahong inilagi niya sa UST ay pinanatili siya sa isang grado o antas dahil sa kanyang mga pagtutol sa pamamaraan ng edukasyon at pagprotesta nang bitayin si Padre Burgos kasama sinaPadre Gomez at Zamora.

                   Si Paciano ay mayroong sariling ambisyon. Kahit na siya ay tinatawag na "maginoong taga-bukid," mababakas ang kanyang kalinangan sa kanyang mga liham kay Jose. Marunong siya ng Kastila, Pranses, Ingles at Latin, at ilang wikang Pilipino.

                    Dahil sa kanyang naiambag sa paghubog ng katauhan ni Jose Rizal, naniniwala ang ilang historyador na "walang Jose kung walang Paciano." Si Paciano ang nagbigay ng materyal na suporta kay Jose sa kanyang pag-aaral sa Europa. Siya rin ang humikayat kay Jose na gamitin ang pangalang Rizal at mag-aral ng medisina at hindi abogasya. Ang mga pangaral ni Paciano ang naging sandigan ni Rizal upang siya ay maging matatag.

                     Nagkasundo ang magkapatid na lilisanin ni Jose ang Pilipinas upang maisulat niya, sa pamamagitan ng propaganda, ang tungkol sa masamang pamumuhay sa Pilipinas. Sa misyong ito, si Paciano ang nagtutustos. Nagkaroon din ng pakikibaka si Paciano tungkol sa lupa nang pangunahan niya ang pagtutol sa pamamalakad ng mga prayleng Dominikano sa lupang kanilang sinasaka sa Calamba. Dahil dito ay ipinatapon siya ng Royal Audiencia, ang hukumang Kastila, sa Mindoro.

                      Matapos ang pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan, kaagad na tumungo si Paciano sa Cavite upang umanib sa rebolusyunaryong kilusan at dito'y ginawaran siya ng ranggong heneral. Maraming mga pakikihamok ang kanyang pinamunuan at pinagwagian laban sa mga puwersang Kastila. Tumagal ang kanyang pakikidigma hanggang noong 1899 sa panahon na ng mga Amerikano. Noong taong 1900, siya ay lubhang pinahina na ng malaria at siya'y nadakip ng mga Amerikano sa Laguna. Di nagtagal ay pinalaya siya ng mga Amerikano at noon ay ninais niyang manirahan sa Los Banos bilang isang "maginoong taga-bukid."


                     Ito ang katauhan ni Paciano na marahil ay noong panayam kay Prop. Talampas lamang natuklasan ng ilan. Mayroong siyang angking katauhang gaya ng mga kilalang bayani sa kasaysayan ng Pilipinas. Nag-alay siya ng talino at lakas sa isang maningning na hangarin. Ito ang mga katangiang taglay ng isang bayani ng bayan.



KUYA PACIANO RIZAL, Simbolo ng Pagpapakasakit para sa Layuning Higit sa Sarili?
                      Si Paciano Mercado, ang kuya ni Jose Rizal, ay isa sa mga mahalagang katauhan sa ating kasaysayan. Ang kanyang kontribusyon sa himagsikan ay ipinakita niya sa pamamagitan ng kanyang mga gawain. Isang tahimik na nagmumunimuni subalit kumikilos para sa kabutihan ng iba.

                      Ipinanganak si Paciano noong 1851 bilang pangalawa sa labing-isang anak nina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo Realonda. Idolo siya ng nakababatang kapatid, si Jose Protacio Mercado Rizal. Ang mga payo niya ang naging gabay ni Jose sa kanyang paglaki.

                      Bilang pinakamatandang lalaki sa mga magkakapatid, siya ang namahala sa kanilang kabuhayan. Katulad ng tradisyunal na papel ng panganay na lalaki sa pamilyang Pilipino, si Paciano ang nagsilbing gabay sa iba pa niyang mga kapatid. Sang-ayon sa mga literaturang pangkasaysayan, siya ang naghatid kay Jose noong unang araw niya sa eskwela. Napakahalaga ng kanyang paninindigan at pagsusumikap upang maitaguyod ang pamilya, lalong-lalo na noong arestuhin ng mga Kastila ang kanilang ina dahil sa maling paratang.

                        Ang mga nasusulat tungkol sa buhay ni Paciano ay hindi mayabong sa detalye. Ang mga salaysay tungkol sa kanyang buhay ay kalimitang naka-angkla sa mga pangyayari sa buhay ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal.  Gayunman, ang mga maliliit na bagay na nasulat tungkol sa kanya ay nagpapakita ng napakahalagang papel na ginampanan niya sa buhay ni Dr. Jose Rizal. Nang dahil kay Paciano, naipagpatuloy ni Jose ang kanyang pag-aaral at nalampasan ang mga problema na kaakibat nito. Sang-ayon sa kasaysayan, si Paciano ang tumulong kay Jose upang siya ay matanggap sa Ateneo de Manila noong 1872 sa kabila ng pagiging huli nito sa pagpapalista sa nasabing unibersidad at sa kanyang napakabatang edad. Siya rin ang tumulong kay Jose upang makapagpatuloy ng pag-aaral sa Pamantasan ng Santo Tomas.

                      Si Paciano ay isang mag-aaral ng kasaysayan. Hindi ng teorya nito kungdi ng tunay na mga karanasan ng kasaysayan. Noong ika- 17 ng Pebrero, 1872, nasaksihan niya ang pagbitay sa mga paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora. Kaibigan niya si Padre Burgos na isang dati niyang guro. Habang isang mag-aaral, hindi nagkibit balikat si Paciano sa pang-aabusong ginagawa ng mga Kastila. Ito ang dahilan kung kaya’t binigyan siya ng mga gurong prayle ng bagsak na grado.

                      Sa mga kwento ni Paciano tungkol sa ipinaglalaban ng guro niyang si Padre Burgos, nabuksan ang isipan ni Jose sa realidad ng lipunan.

                      Sukdol sa langit ang pagmamahal ni Paciano sa nakababatang kapatid. Malaki ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan at talino nito. Kaya nga, hindi nakapagtataka na kahit ang paborito niyang kabayo ay kinailangan niyang ibenta upang mapadalahan ng pera si Jose para sa kanyang mga gastusin sa pag-aaral. Nang isulat ni Jose ang El Filibusterismo, inialay niya ito sa alaala ng tatlong paring martir. Ang aklat na ito ay naisulat ni Jose dahil sa mga kuwento ni Paciano tungkol sa Gomburza.

                      Sinasabing noong mamatay si Jose, iniwan ni Paciano ang buhay bilang haligi ng pamilya upang sumali sa himagsikan. Dahil sa kanyang kakayahan at kagitingan, naabot niya ang ranggong Heneral sa hukbo ni Emilio Aguinaldo.
Ito si Paciano. Ang mga pahinang kasaysayan ay naglarawan sa kanya bilang mapagmahal na kuya at magiting na tao. Isa siyang pangkaraniwang tao sa di pangkaraniwang panahon at isang di pangkaraniwang tao sa karaniwang panahon. Subalit, ano nga ang tunay na pagkatao ni Paciano? Sino Si Paciano? Dapat bang kilalanin siyang isang dakilang bayani, hindi bilang kapatid ni Jose Rizal ngunit bilang isang Paciano na may sariling katauhan, kagitingan at mahalagang ambag sa kalayaan at pagkamulat ng sambayanang Pilipino?

                        Inaanyayahan ng Adbokasiya! ang mga kabataan, guro, magsasaka, manggagawa at lahat ng mamamayan na kilalanin si Paciano. Hanapin natin si Paciano. At kung siya ay ating masumpungan, at maging karapat-dapat sa pagkilala, isulong natin ang pambansang pagkilala sa isang Paciano…Kuya Paciano, ang simbolo ng pagpapakasakit para sa layuning higit sa sarili!

No comments:

Post a Comment